Bakit nga ba tayo
mabababaw? Masakit na katanungang may malaking pahayag. Mga kilos at pag-uugali
na hindi natin napapansin ang nakikitaan ng pagiging mababaw natin. Tayong mga
Pilipino ay mga talentado, ngunit pinapagpatuloy pa rin natin ang pagiging
mababaw. Ito ba’y dala ng kulturang ating kinagisnan? Pati sa pagbabasa ay
mukhang atin ng tinalikuran. Ito ang mas nagpapakita ng ating pagkababaw, dahil
ni hindi natin magawang magbasa. Kung akala mo’y alam mo na ang lahat, doon ka
nagkakamali. Subukang magbasa sapagkat malaki ang maitutulong nito sa atin.
Isa ako sa taong mababaw, ngunit
hindi lahat ng mababaw ay negatibo, may mga katangian tayo na hindi naman
talaga nagpapakita ng mababaw kundi ito’y ugali na hindi dapat paunlarin.
Taliwas sa inyong pagkakaalam ang taong mababaw sa mabuting paraan ay
nagpapakita ng hindi kailangan ng malaking halaga o mga bagay na mahirap kunin
para maging masaya, nagpapakita rin ito ng pagiging kontento ng tao. Ang mga
taong hindi nakokontento ay ang mga taong nagiging masama, dahil sa mga hangad
nila. Mas marapat na magpasalamat sa kung anong meron ka. Alam niyo rin ba na
ang mga taong mababaw ay marunong magpahalaga sa mga maliliit na bagay.
Ganunpaman alam ko ang kahalagahan ng pagbabasa, dahil ito’y nakapagpapalawak
ng ating isipan at nakapagdaragdag ng mga bagong kaalaman, ngunit dahil na rin
sa mga makabagong gadgets ay nawawalan na ang karamihan ng interes sa pagbabasa
ng mga libro at nagiging tamad na rin dahil sa teknolohiya.
Tanggapin natin ang mga masakit na
katotohanan, dahil mas mabuti ng tayo’y masampal ng katotohanan na
makapagpapagising at makapagbabago sa ating kamalian kaysa sa halikan nang
kasinungalingang magpapalala ng sakit sa oras na ito’y huli na. Atin ring
baguhin ang ating pananaw. Gawing inspirasyon ang ating kamalian patungo sa
maganda at bagong pamumuhay na dito’y magsisilbing aral sayo. Huwag
magpapaapekto sa kung anong sabihin nila, manatiling mapagkumbaba sa lahat ng
bagay. Alamin muna ang katotohanan ng iyong narinig sa iba, upang magkaroon ng
sapat na kaalaman para huwag maloko ng mga taong mapagsamantala. Higit sa lahat
ay magkaroon ng mabuting ugali o asal dahil ito’y hindi natututunan o nababago
ng basta-basta.